BOC OPS VS SMUGGLING APRUB KAY ROMUALDEZ

BINIGYAN ng pagkilala sa Kamara ang agresibong pagtugon ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng kabi-kabilang operasyon laban sa mga agri-smuggler, hoarder at profiteer.

Sa kalatas na inilabas ng tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez, partikular na tinukoy ng lider ng Kamara ang pagsalakay ng mga ope­ratiba ng nasabing kawanihan sa mga bodega kung saan tumambad ang sandamakmak na suplay ng mga bilihin, kinakapos sa merkado – ang sibuyas at bawang.

Para kay Romualdez, malaking bentahe sa Kamara ang [positibong pagtugon ng kawanihan sa kabila pa ng kabi-kabilang patutsada laban sa nasabing ahensya.

“Kinausap natin ang ating law enforcement agencies para i-raid ang warehouses na hinihinalang nasa likod ng hoarding ng sibuyas at bawang. Ito ang nagpapahirap sa taong-bayan na dahilan ng inflation at pagtaas sa presyo ng mga bilihin,” ani Romualdez ilang saglit matapos ang pulong ng inter-agency task force sa pamumuno ng BOC.

Ayon sa lider ng Kamara, magandang pambungad sa pag-upo ng bagong BOC Commissioner (Bienvenido Rubio) ang pagkakabisto ng P150-milyong halaga ng sibuyas at bawang sa 24 na magkakahiwalay ng cold sto­rage facilities sa Metro Manila.

“I reiterate my warning to these evil hoarders and unscrupulous businessmen.

We are breathing down your necks. Tuldukan na ninyo na ang inyong mga gawain na nagpapahirap sa ating mga kababayan,” babala ni Romualdez.

Una nang hinamon ni Romualdez si Rubio na magpakitang-gilas kasunod ng pagkakahirang sa pwesto bilang BOC Commissioner.
(BOY ANACTA)

34

Related posts

Leave a Comment