BOC, PINASOK NA NG MGA MARITES

boc

(JOEL O. AMONGO)

HINDI ko lubos maisip kung bakit walang puknat ang pagpapakalat ng tsismis sa Bureau of Customs. Ayon sa mga tinaguriang “Marites,” nakatakda anilang palitan ang liderato ng kawanihan.
Susmaryosep! Kung kailan nakatisod ang BOC ng isang mahusay na komisyoner, saka niyo naman siya gustong palitan?

Sa tinagal-tagal ko bilang peryodistang nakatutok sa kawanihan, ngayon lang ako nakakita ng mga komisyoner na mula sa baba. Sa kanyang ipinamalas na husay mula pa sa pinagmulang ahensya, hinirang siyang pamunuan ang Enforcement of Security Service (ESS) ng kawanihang nangangasiwa sa kalakalan sa mga pantalan at paliparan, taong 2017.

Nang maupo ang bagong Pangulo sa katauhan ni Ferdinand Marcos Jr., marami ang nag-interes sa pwesto bilang BOC Commissioner. Lahat sila nabigo. Ang pinili ni Marcos Jr., isang operatibang may kakayahang isakatuparan ang nais niya para sa ahen­syang kilala sa katiwalian.

Sa unang bugso pa lang sa pwesto ni Customs si Commissioner Yogi Filemon Ruiz, sumipa ang koleksyon, nabulabog ang mga sindikato at nangilag ang mga tiwali.

Kung kakalkalin ang rekord ni Ruiz mula pa sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), wala akong nakitang bahid sa kanya. Ang meron lang, santambak na pagkilala para sa mga matagumpay na operasyon kontra droga. Nang mapunta sa BOC bilang ESS director, sumipa ang kabi-kabilang operasyon kontra kontrabando.

Hanggang sa maging komisyoner ng BOC, puro trabaho ang inatupag ni Ruiz.

Sa aking sapantaha, masamang balita ng mga utak-sindikato at mga kasabwat sa BOC ang pananatili ni Ruiz sa naturang ahensya. Ito lang ang tangi kong nakikitang dahilan sa likod ng kabi-kabilang intriga.

Ang siste, batid kong alam ni Ruiz ang bulong-bulungan sa pinangangasiwaang kawanihan. Pero bakit hindi man lang siya umalma? Ang sagot: wala rin naman kasing kwenta – ang tsismis at ang mga pinagmulan ng tsismis.

Kaya sa mga marites sa kawanihan, ipupusta ko ang isang buwan kong sahod bilang peryodista. Sino ang kakasa?

Para sumbong, suhestiyon at reklamo, maaaring makipag-ugnayan sa operarioj45@gmail.com o magtext sa telepono – 0966-429-4612.
Hanggang sa muli!

10

Related posts

Leave a Comment