BOOSTER PARA WALANG LIBAN

MAKARAANG kilalanin bilang kauna-unahang ahensyang (non-LGU, non-health category) nagpatupad ng pagbabakuna sa mga kawani, muling pina­ngunahan ng Bureau of Customs (BOC) ang pagtuturok ng dag­dag proteksyon sa mga klasipikadong frontliners ng nasabing kawanihan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa dalawang-araw na prog­ramang Resbakuna nitong naka­raang Biyernes at Sabado, isina­lang sa turukan ng booster shots ng COVID-19 vaccines ang mga kawani ng BOC-Port of NAIA, sa hangaring tiyaking iwas sakit ang kanilang mga frontliners sa gitna ng peligrong dala ng mas nakakahawang mutated virus strain na tinagurian ng World Health Organ­ization (WHO) bilang Omicron variant.

Bukod sa mga kawani ng BOC-NAIA, binuksan din ang bakunahan sa mga empleyado mula sa airport logistics, mga katuwang na ahensya ng pamahalaan at mga personnel mula sa iba pang district collection offices.

Kasabay ng turukan ng mga booster shots para sa mga kawani ng BOC- NAIA, binigyang pag­kilala naman ni District Collector Carmelita Talusan and Inter-Agency Task Force para sa alokasyon ng mga bakuna sa kanilang mga frontliners.

Pagtitiyak ni Talusan, magpapatuloy ang 24-oras sigasig ng kanilang tanggapan para sa mabilis na pagpoproseso ng mga dokumentong kalakip ng mga lumapag na dagdag suplay ng bakunang kailangan ng pamahalaan sa hangaring tuldukan ang pan­demya at ganap nang makaba­ngon ang bansa sa sadlak-dusang dulot nito.

Sa tala ng BOC-NAIA, aabot na sa 170 milyong doses ng bakuna at iba pang medical supplies ang kanilang mabilis na nai-proseso para sa dagliang pamamahagi ng Department of Health (DOH) sa 17 rehiyon, 81 lalawigan, 144 lungsod at 1,498 na bayan sa iba’t ibang panig ng bansa. (JO CALIM)

2

Related posts

Leave a Comment