CAR HUB SINALAKAY NG BOC, LUXURY CARS NADISKUBRE

SINALAKAY ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Intelligence Group (CIIS-IG) na armado ng Letter of Authority (LOA) na nilagdaan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio, ang isang car hub sa Barangay Ugong, Pasig City kamakailan.

Ang nasabing grupo na binigyan ng awtorisasyon upang hilingin ang katibayan ng mga binayaran ng tamang duties and taxes sa mamaha­ling mga sasakyan, ay nagtungo sa car hub noong Hulyo 4, 2023 dakong alas-6 ng hapon para iimplementa ang LOA.

Ang CIIS-IG ang inatasan sa operasyon matapos maberipika ang intelligence information sa pamamagitan ng pagsasagawa ng surveillance activities na nagkumpirma na ang subject car hub ay may nakaimbak at bukas na nagbebenta ng exotic at hyper cars nang walang kaukulang mga dokumento.

Ang nasabing team ay nakadiskubre ng 197 imported at locally sourced vehicles.

Subalit, 87 ng nasabing units ay natukoy na kuwestiyonable ang mga dokumento.

Ang 100% inventory sa subject car hub ay nakumpleto lamang noong Hulyo 6, 2023.

Bilang paglilinaw hinggil sa pagsalakay, sinabi ni CIIS Director Verne Enciso na:

“There was reportedly no tight lockdown in the showroom. This was because of the unusual location of the car hub wherein the compound is being shared by several other business establishments. If a tight lockdown was put in place, our team would have also compromised the operations of the other businesses there.”

Ang nasabing “special ope­ration” ay sinasabing pinangunahan ng isang deputy commissioner at isang lawyer ng ibang grupo.

Gayunman, binigyang-diin ni Enciso na ang pagsalakay ay resulta ng intelligence ope­ration, na-conceptualized at inimplementa ng BOC’s CIIS-IG sa pamumuno ni Deputy Commissioner for Intelligence Juvymax Uy.

“Every operation we conduct is a product of intense brainstorming and weeks of monitoring, analyzing, and investigation. We don’t go out there on a whim. Our team has been working day and night to confirm each information we get from our sources,” dagdag pa ni Enciso.

Kasama ang 87 vehicles sa kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa questionable documents ng iba’t ibang units na kinabibilangan ng Lexus, Mercedes Benz, Porsche Macan, Jaguar, GMC Savana, McLaren, Ferrari, Lamborghini, Audi, at Land Rover.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Deputy Commissioner Uy sa publiko ang tamang pamamaraan ng implementas­yon ng LOA, at ang pagtalima sa due process sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa napaulat na questionable documents ng mamahaling mga sasakyan. Sa ilalim ng Art. 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), ang inte­rested party ay may 15 days mula sa implementasyon ng Letter of Authority, para magsumite ng mga ebidensiya hinggil sa pagbabayad ng tamang duties and taxes sa subject imported goods.

Kung hindi tutugon ay ipag-uutos ang pagkumpiska at isasailalim sa kaukulang forfeiture proceedings ang mga ito na naaayon sa Customs Administrative Order No. 10-2020.

Habang nakabinbin ang pagsusumite ng kailangang mga ebidensiya ng mga binayaran, ang BOC agents at officers ay mahigpit na binabantayan ang car hub para maging ligtas ang subject vehicles 24/7.

(JOEL O. AMONGO)

356

Related posts

Leave a Comment