DADIANGAS SUBPORT ATAT NA SA ISO CERT!

INAASAHAN na ano mang oras ang paglabas ng asam-asam na ISO Certification para sa Subport of Dadiangas na sumailalim sa huling yugto ng prose­song isinasagawa ng external certifying body na Tüv-Süd.

Ayon sa Bureau of Customs (BOC), rekomendado na rin ng mga itinalagang Tüv-Süd auditors para sa ISO 9001:2015 Certification ang naturang tanggapang bahagi ng Port of Davao, bunsod ng ipinamalas na sigasig at husay ng mga kawani sa pagtupad ng kanilang buwanang collection target at pagpapatupad ng reporma sa nasabing distrito.

Kabilang naman sa na­ging batayan ng Tüv-Süd ang Quality Management System (QMS) ng Dadiangas Subport – batay na rin sa isinagawang pagsusuring bahagi ng mahigpit na proseso.

Samantala, lubos naman ang pasasalamat ni Dadiangas Subport Collector Orlando Orlino sa mga kawani mula sa Qua­lity Management Unit (QMU) na aniya’y gumabay sa Dadiangas Subport sa landas patungo sa kanilang ikalawang ISO Certification. Kinilala rin niya ang mga sigasig at katapatan ng mga kawani ng pinamumunuang pantalan na aniya’y siyang dahilan sa nakatakdang paggagawad ng mailap na pagkilalang patunay ng kanilang husay.

Para naman kay Port of Davao District Collector Atty. Erastus Sandino Austria, malaking bentahe sa kanilang distrito ang inspirasyong ibinahagi ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz. (JOEL AMONGO)

4

Related posts

Leave a Comment