HINDI nasayang ang salaping pinag-ukulan ng gobyerno sa mga makabagong x-ray machines na minsan pang napatunayang epektibo sa kampanya ng gobyerno kontra droga. Patunay nito ang pagkasabat ng bulto-bultong high-grade marijuana na nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) sa Clark, Pampanga kamakailan.
Sa isang kalatas ng Port of Clark, 15 pakete ng high-grade marijuana na nadiskubre sa isang bagaheng lumapag sa kanilang pasilidad mula sa Washington sa Estados Unidos nito lamang nakalipas na Lunes.
Anila, nabisto ang iligal na epektos makaraang isailalim ang paketeng idineklarang kobrekama sa x-ray scanning na karaniwang ginagawa sa lahat ng pumapasok at lumalabas na kargamento at bagahe sa nasabing puerto.
Base sa chemical laboratory analysis na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nakumpirmang kush ang nasa loob ng padala mula sa Estados Unidos.
Arestado rin sa isinagawang controlled delivery operation ng BOC at PDEA sa Malate, Maynila ang hindi na pinangalanang consignee na dinakip sa aktong pagtanggap ng nasabing bagaheng naglalaman ng hindi bababa sa P675,000 halaga ng damo.
Nakatakda namang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act ang suspek na agad ipiniit sa custodial facility ng PDEA.
(JOEL AMONGO)