DROGA SA WHEELCHAIR BULILYASO SA CLARK

HINDI umubra ang gulang ng isang sindikato sa likod ng smuggling ng droga matapos mabisto ng mga alistong operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ang mahigit isang kilong cocaine na ikinubli sa gulong ng mga inangkat na wheelchairs.

Sa pahayag ng BOC, bistado ang 1.2 kilo ng cocaine na nakatago sa kargamentong idinekla­rang “sumatic wheelchair caster” na dumating noong Enero 13, 2023 mula sa bansang Tanzania sa Eastern Africa.

Pagtataya ng ahensya, aabot sa P6.2 milyon ang halaga ng nabulilyasong kontrabando.

Ayon kay BOC-Port of Clark District Collector John Simon, nabisto ang droga matapos isailalim ang kargamento sa K9 at makabagong X-ray scanners na binili ng kawanihan noong nakalipas na taon. Nang buksan ang kargamento, tumambad ang drogang agad na kinumpiska ng katuwang na operatiba mula sa Phi­lippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa pagsusuri.

Matapos suriin, lumabas ang resulta – positibong droga.

Dito na naglabas ng Warrant of Seizure and Detention si Simon, kasabay ng direktibang naglalayong tukuyin sa bisa ng mas malalim na imbestigasyon ang mga sangkot sa na­bigong tangkang magpuslit ng droga sa bansa.

Para kay Simon, mala­king bentahe ang kolektibong pagkilos ng BOC at PDEA sa kampanya ng pamahalaan laban sa drug-smuggling.

32

Related posts

Leave a Comment