ILANG buwan matapos ang state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., tuluyan nang sumipa ang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, matapos ang unang paglipad ng ipinagmamalaking Durian patungo sa naturang bansa.
Sa isinagawang ceremonial send-off sa Davao International Airport (DIA), tiniyak ng Bureau of Customs (BOC) na susuportahan ang kalakalang anila’y magbibigay-daan para sa pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Ayon kay Port of Davao District Collector Atty. Erastus Sandino Austria na tumayong panauhing pandangal sa ceremonial send-off, malaking bentahe sa gobyerno at mga magsasakang Pilipino ang Durian exportation business na suportado ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang ang BOC, Department of Agriculture (DA) at Bureau of Plant Industries (BPI).
Binigyang pagkilala rin ni Sandino ang aniya’y determinasyon at sigasig na ipinamalas ng BPI na “walang kapagurang nagtrabaho” para tiyaking sagana, ligtas at dekalidad ang binebentang Durian sa ibang bansa.
Setyembre 2018 pa nang simulan ng BPI ang pakikipag-ugnayan sa bansang Tsina para sa Durian exportation – na naisakatuparan lang sa bisa ng market access na bahagi ng economic package na bitbit ng Pangulo mula sa state visit sa naturang bansa.
Tiniyak din ni Sandino na bibigyan ng prayoridad ng kanyang tanggapan ang fruit export business na aniya’y makatutulong para palakasin ang economic development sa Davao region. (BOY ANACTA)
