ECSTASY TABS SABAT SA NAIA

HINDI nakalusot sa mga alistong kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang panibagong tangkang pagpupuslit ng drogang ikinubli sa apat na magkakahiwalay na kargamento sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan.

Sa isang kalatas ng BOC-NAIA, umabot sa 2,040 pirasong tableta ng ecstasy na itinago sa mga bagaheng inilagak sa Central Mail Exchange Center (CMEC) ang sinamsam ng pinagsanib na pwersa mula sa BOC-NAIA at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa imbestigasyon, lumalabas na nagmula pa sa bansang France ang nakumpiskang kontrabando.

Silat din sa hiwalay na operasyon kontra droga ang 317 cartridges at 14 na kending pawang nakitaan ng cannabis oil na mula naman sa bansang Estados Unidos.

Pagtataya ni District Collector Mimel Talusan, aabot sa P3.86 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasabat na kontrabandong nakapangalan sa apat na ‘di pinangalanang indibidwal mula sa Pasig City, Pa­ranaque City, Paco at Malate sa Lungsod ng Maynila.

Inilipat na ng BOC-NAIA sa pag-iingat ng PDEA ang mga nasamsam na droga, habang patuloy naman ang imbestigasyon sa hangaring matukoy ang iba pang mga sangkot sa drug-smuggling sa naturang paliparan.

Pagtityak ni Talusan, sasampahan ng kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang mga taong nakatala sa kalakip na dokumento.

Mula Enero hanggang sa kasalukuyan, pumalo na sa P443.26 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na droga ng BOC-NAIA sa 36 na operasyon laban sa drug-smuggling.
(JOSE OPERARIO)

32

Related posts

Leave a Comment