EXOTIC ANIMAL SMUGGLERS, SINAMPOLAN

HINDI na pinatagal ng husgado ang asuntong isinampa ng Bureau of Customs (BOC) laban sa dalawang indibidwal na dinakip sa aktong pag-i­ingat ng mga pambihirang hayop na ipinuslit mula sa mga bansang Poland at Malaysia nito lamang nakaraang taon.

Sa kalatas ng tanggapan ng BOC sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), magkahiwalay na hinatulang “guilty” ng Pasay City Metropolitan Trial Court ang dalawang personalidad na hindi pinangalanan, para sa kasong paglabag sa Republic Act 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act) and Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).

Sa rekord ng kawanihan, kabilang sa nasabat na “exo­tic animals” (na pasok sa kategorya ng “endangered species”) ang mga makamandag na tarantula, iba’t ibang klase ng pagong at pawikan, bayawak, butiki, tuko at ulupong.

Unang hinatulan ng husgado ang claimant ng isang kargamentong naglalaman ng 10 tarantula mula sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City. Ang sentensya – 10 araw na kulong at multang P26,000. Batay sa mga dokumentong ipinrisinta sa korte, idineklarang “origami” ang laman ng bagahe.

Nasa 41 iba’t ibang klase ng pambihirang hayop naman na pinuslit mula sa Kuala Lumpur ang nasabat sa ikalawang hinatulan ng husgado. Sa rekord ng ahensya, ikinubli sa likod ng mga laruan ang mga nabistong wildlife species. Ang hatol ng korte sa akusado – pitong buwan sa bilangguan at multang P125,000.

“The conviction manifests the commitment of the BOC, in collaboration with DENR, to penalize smugglers of illegal goods and contrabands; and serve as a deterrent and warning to others engaging in similar unlawful activities,” pahayag ni BOC-NAIA district collector Carmelita Talusan.
(JOEL AMONGO)

10

Related posts

Leave a Comment