FPJ ECO PARK SA SAN CARLOS CITY, PANGASINAN BINUKSAN

NAGSIMBA sina Senator Grace Poe, Lovi Poe at Brian Poe, unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan Partylist sa San Carlos City Minor Basilica of Saint Dominic, Pangasinan bago ang pagbabasbas sa FPJ Eco Park. (Photo: Minor Basilica of Saint Dominic (San Carlos) Pangasinan)

DUMALO ang pamilya at mga kaibigan ng yumaong National Artist Fernando Poe Jr. sa pagbubukas ng Eco Park sa hometown ng aktor sa San Carlos City, Pangasinan.

Pumunta sina Brian Poe, Senator Grace Poe, Lovi Poe at mga kasamahan nila sa lalawigan ng Pangasinan upang pasinayaan ang pagbubukas ng FPJ Esplanade and Eco Park sa Barangay Bocboc, San Carlos City kasabay sa ika-20 anibersaryo ng pagpanaw ni ‘Da King’ Fernando Poe Jr. noong Disyembre 14.

Pinangunahan ni San Carlos City Mayor ‘Ayoy’ Resuello ang okasyon at kasabay na idineklara ang suporta sa FPJ Panday Bayanihan Partylist.

Pinuri ng alkalde si Brian Poe sa pangunguna nito sa patuloy na pagsusulong sa dakilang hangarin ng batikang aktor na si FPJ na paglingkuran ang mamamayan nang walang katapusan.

Dumalo rin sa naturang okasyon sina Pangasinan Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III at Congresswoman Maria Rachel Arenas, 3rd District Representative ng Lalawigan ng Pangasinan.

Sinabi ni Mayor Resuello, ang malawak at pinakabagong Eco park ay matagal na nilang pinangarap upang mabigyan ng maluwag at kaaya-ayang pasyalan ang kanyang mga kababayan at ibang bisita.

Maaari itong gamitin bilang all-in one facility para sa recreational activities, birthday celebration, convention, job fair, market fair at iba pang okasyon.

Sinabi ni Mayor Resuello, “tuwirang mabubuo at maipupundar natin ang kinakailangan pang kagamitan sa Eco Park nang tulungan tayo sa karagdagang pinansya na kaloob ating mga kaibigan na sina Senator Grace Poe at Chief of Staff Brian Poe”.

“Nasa 2nd Phase pa lamang ng konstruksyon ang Eco Park at may iba pang amenities na kinakailangan idagdag.

Sa susunod na taon ay kasama sa ating puntirya na magkaroon ng mga playground, outdoor exercise equipments, decorative lamps at benches,” saad pa ng alkalde.

Sa talaan ng national census, sa 45 na munisipalidad at tatlong lungsod na saklaw ng Pangasinan ay ang San Carlos City ang may pinakamalaking populasyon na binubuo ng 205,424 katao na tumutumbas ng 6.34 porsyento ng kabuuang populasyon ng probinsya. Ito rin ang pinakamataong lungsod sa buong Rehiyon ng Ilocos.

1

Related posts

Leave a Comment