FUEL SMUGGLING BISTADO SA BOC

HINDI nakalusot sa mga alistong operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ang panibagong tangka ng isang sindikato na magpalusot ng produktong petrolyong lulan ng isang barko sa bayan ng Sual sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa kalatas ng BOC, tumataginting na P54-milyong halaga ng krudo ang nabisto sa isinagawang inspeksyon ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS) sa MV Veronica I na nasa Sual Subport.

Sa bisa ng isang Pre Lodgement and Control Order na inilabas noong Mayo 3, magkakasamang inilatag ng BOC, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy (PN), Philippine National Police (PNP) Maritime Group, at lokal na pulisya ang plano sa pagdaong ng barkong pakay ng timbre mula sa isang impormante.

Sa pagsusuri ng mga pet­roleum sample na kinuha sa 12 compartment ng barko, lumabas na walang fuel marker ang kargang krudo – patunay na walang binayarang buwis sa pamahalaan ang hindi tinukoy na kumpanya sa likod ng naturang bulilyaso.

Wala rin diumano naipakitang dokumentong patunay na legal ang pagbibyahe ng produktong petrolyo patungo sa Pilipinas ang mga kapitan at ibang opisyales ng nabanggit na sasakyang dagat.
Dito na kinumpiska ng mga operatiba – sa direktiba ng Port of San Fernando – ang barkong may lulan na hindi bababa sa P54-milyong halaga ng krudo.

Sa isang bukod na pahayag, tiniyak ni Customs Commissioner Bien Rubio na patuloy ang mahigpit na implementasyon ng mga programang sadyang binalangkas sa hangaring tuldukan ang malawakang smuggling sa bansa.

“I commend the Port of San Fernando and the joint task force for their successful operation against smuggled fuel. This achievement is a testament to our unwavering commitment to securing our borders and protecting our economy from the adverse effects of smuggling,” ani Rubio.
(JOEL AMONGO)

102

Related posts

Leave a Comment