Imbestigahan Natin Ni JOEL O. AMONGO
HINDI po nasusunod ang sinasabi ng gobyerno na MANDATED PRICE CEILING sa bigas sa buong bansa.
Bakit kamo? Nitong pagpasok ng unang buwan ng Ber months na Setyembre, imbes na bumaba ang presyo ng bigas ay lalo pa itong tumaas.
Sa ating pag-iimbestiga, mula sa dating presyong P1,180 kada 25 (sako) ng Coco Pandan, ito ay naging P1,365 na ngayon, as of September 3, 2023.
Kung susumahin sa isang sako (25 kilos) ng Coco Pandan na bigas, ay tumaas ito ng P185 o P7.40 ang itinaas nito sa kada kilo.
Kamakailan, ang gobyerno ay naglabas ng MANDATED PRICE CEILING sa bigas sa buong bansa.
Inirekomenda ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpapatupad ng MANDATED PRICE CEILING sa bigas sa buong kapuluan.
Ang sinasabing MANDATED PRICE CEILING ay P41.00 kada kilo ng Regular Milled Rice at P45.00 kada kilo naman para sa Well-Milled Rice.
Sinasabing mananatiling epektibo ang ipinataw na price ceiling maliban na lamang kung babawiin ng Pangulo base sa rekomendasyon ng Price Coordinating Council ng DA at DTI.
Tiniyak ng dalawang ahensiyang ito na tutulong daw sa kanila ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagpapatupad ng MANDATED PRICE CEILING. Sana nga!
Paiigtingin din ng Bureau of Customs (BOC) ang patuloy na pag-iinspeksyon ng mga warehouse upang malabanan ang ilegal na pag-aangkat ng bigas at upang mapadali ang paghuli at pagkumpiska ng mga smuggled na bigas sa bansa.
Magbibigay rin daw ng suporta ang Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang agaran at epektibong pagpapatupad ng kautusang ito.
Kung ganoon pala, para hindi mabansagan na press release lamang ang MANDATED PRICE CEILING sa bigas na inirekomenda ng DA at DTI, suyurin n’yo ang mga grocery store at malalaking tindahan na hindi sumusunod sa presyo ng bigas na itinakda ninyo.
Hindi kasi naniniwala ang publiko na bababa pa ang presyo ng bigas dahil pumasok na ang buwan ng Ber months.
Ganoon din ang mga bilihin na sangkap sa mga panghanda para sa Disyembre at pagsalubong ng bagong taon, ay nagtaasan na rin.
Gayunpaman, kung talagang pursigido ang gobyerno na masunod ang kanilang itinakdang MANDATED PRICE CEILING sa bigas ay gawin nila ang nararapat, at hindi pampapogi lamang na kunwari ay epektibo ito.
-oOo-
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
430