IMBESTIGAHAN NATIN

AANHIN pa ang damo kung patay na ang kabayo? Ito mismo ang kwento ng mga kawani ng Bureau of Customs (BOC) na inabutan ng kanilang pagpanaw nang hindi man lamang nakuha ang insentibong kalakip ng kanilang katapatan, husay at sigasig para malagpasan ang itinakdang target collection ng puertong kanilang kinabibilangan.

Sa isang mensaheng ipinaabot ni Reynaldo Galeno, dating kawani ng BOC, taong 2018 pa nila hinihintay ang insentibong nakasaad sa ilalim ng Republic Act 9335 (Lateral Attrition Law) na naglalaan ng bahagi ng anumang labis sa pondong nalikom ng isang ahensya ng gobyerno, partikular sa BOC.

Bakit nga naman hindi? Sa ilalim ng Lateral Attrition Law, may probisyong automatic appropriation na ang ibig sabihin – may pondo at nariyan na ang salaping katumbas ng mga benepisyo.

Ang siste, karamihan sa kanila’y nagsipagretiro na at higit na kailangan ang perang kanilang panustos dahil wala na silang trabaho. Ang tinutukoy natin ay ang mga abang empleyado ng BOC.

Mayroon din namang mga kawaning nakamatayan na ang asam-asam na insentibong dapat sana’y malaking tulong sa kanilang pamilyang nalugmok noong sila’y nagsipanaw.

Ano nga ba ang dahilan ng pagpiit sa pamamahagi ng insentibo sa mga kawaning nagpamalas ng husay, katapatan at sigasig sa ahensyang minsan nang nakilala lang sa laganap na katiwalian?

Hindi lamang sa BOC laganap ang ganyang kalakaran. Maging sa iba pang tanggapan ng pamahalaan. Ang retirement pension, terminal leave, hazard pay, at iba pang benepisyo’y sukdulang ipagkait.

Hindi sapat na paglalarawan ang nakakalungkot sa kinasadlakan dusa ng mga kawani ng gobyerno.

May panahon pa naman ang BOC na kalingain ang nakaligtaang mga retiradong empleyado.

Hindi dapat ipagkait ang barya-baryang insentibo kung tutuusin ay ga-tuldok lang naman kumpara sa ganansya ng mga tiwaling opisyal gamit ang kabi-kabilang modus sa mga pumapasok na kalakal.

Hindi kawalan sa mga BOC ang 10% na itinakdang insentibo base sa kung magkano ang pasobrang koleksyong labas sa target ng isang puerto.

Para sa sumbong mag-email operarioj45@gmail.com o magtext sa 0919-2595907.

 

 

2

Related posts

Leave a Comment