IMPORTER SABIT SA P63-M FROZEN GOODS MULA HK

NAKATAKDANG sampahan ng patong-patong na kaso ng Bureau of Customs (BOC) ang mga nakatalang negosyante sa likod ng pribadong kumpanyang diumano’y nagtangkang magpuslit ng hindi bababa sa P63-milyong halaga ng mga frozen goods mula Hong Kong.

Sa kalatas ng ahensya, kasong “misdeclaration of goods” ang ihahain ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) laban sa Victory JM Enterprise OPC kaugnay ng nadiskub­reng frozen tofu, chicken paws, boneless beef, Viet­namese suckling pig, at beancurd skin sa apat na containers na unang idineklarang naglalaman ng “frozen prawn balls.”

Sa pagsisiyasat ng BOC, lumalabas na dalawa sa apat na containers ang inangkat mula sa Hongkong habang sa bansang Tsina naman nanggaling ang dalawang iba pa.

“These four containers contained other frozen foods that the consignees did not declare in their manifest,” pahayag ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz.

Aniya, ang laman ng bawat container na kinum­piska ng mga operatiba ng kawanihan ay nagkakahalaga ng P15.75 milyon.
Babala pa ng BOC chief, pananagutin ang mga district collector na malulusutan ng mga agri-smuggler. (JOSE OPERARIO)

32

Related posts

Leave a Comment