Importers, customs broker sinampolan AGRI SMUGGLERS, SAPUL SA ASUNTO

Ni JOSE OPERARIO

PATUNAY na seryoso at determinado ang gob­yerno sa hangaring ganap na mapuksa ang mga mandarayang kumpanya, sinampahan ng patong-patong na kasong kriminal ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawang importers at kasapakat na customs broker kaugnay ng tangkang pagpupuslit ng asukal sa bansa.

Sa kalatas ng BOC, pormal na inihain sa Department of Justice (DOJ) ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) asunto laban sa hindi tinukoy na kum­panya sa tahasang paglabag ng mga umiiral at batas at reglamento ng kawanihan.

Unang kinasuhan ang isang importer at kasabwat na customs broker sa likod ng tangkang pagpupuslit ng asukal na laman ng 13 containers sa Manila International Container Port (MICP).
Sapul naman sa ikalawang kaso kaugnay ng nabistong refined sugar na laman ng 58 containers na nasabat sa Port of Subic.

Kabilang sa mga inihaing reklamo ang paglabag sa mga probisyon sa ilalim ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Ta­riff Act), pagsuway sa Joint Memorandum 04-2002, at Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Sa datos ng BOC, umabot sa 45 asuntong kriminal ang inihain ng BOC laban sa mga bulilyasong agri-smugglers at customs brokers mula Enero hanggang sa kalagitnaan ng Marso ng kasalukuyang taon.

“Our continuous filing of criminal complaints against perpetrators of illegal importation manifests our commitment to end smuggling,” saad ng pahayag ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio.

“We will continue to strengthen our border control measures and file cases against violators of Customs laws to ensure compliance among stakeholders,” aniya pa.

244

Related posts

Leave a Comment