Inspeksyon sa mga bodega, ‘di ititigil TRABAHO LANG!

Ni JUAN PABLO OPERARIO

SA kabila ng mga batikos, hindi nagpatinag ang Bureau of Customs (BOC) kasabay ng patuloy at kabi-kabilang inspeksyon ng mga bodega bilang tugon sa direktiba ng Pa­ngulo – ang tiyaking walang magaganap na pagpiit sa mga produktong pang-agrikultura.

Patunay nito ang pinakahuling pagsabak ng mga tauhan ng kawanihan sa lalawigan ng Batangas kung saan P1.8-bilyong halaga ng asukal ang tumambad sa isang bodega.

Paglilinaw ng ahensya, hindi pagsalakay ang pakay ng operasyon kundi isang inspeksyon sa hangaring tiyaking naaayon sa batas ang dinatnang supply ng asukal sa Central Azucarera Don Pedro sa Barangay Lumbangan sa bayan ng Nasugbu.

Bitbit ang Letter of Authority at Mission Order, tinungo ng mga operatiba mula sa BOC, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police-Crime Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang nasabing bodega kung saan inabutan ang nasa 181,299 sako ng imported pure refined sugar mula sa bansang Thailand. Bukod sa mga inangkat na asukal, tumambad rin ang 197,590 sako ng mga asukal na kargado ng tatak Don Pedro. Tumimbang ng 50 kilo ang kada sako ng mga asukal na inimbentaryo.

Paglalarawan ng BOC, “biggest operation to date” ang nasabing “pagbisita” sa naturang bodega sa lalawigan ng Batangas.

Gayunpaman, hindi pa mawari ng mga operatiba kung legal o sablay ang inabutang supply ng asukal – hangga’t hindi pa natatapos ang pagsusuri sa mga dokumentong ipinapasumite sa kumpanyang nagmamay-ari ng bodega ang mga inabutang kargamento.

Mananatili namang bantay-sarado sa BOC ang naturang bodega hanggang sa malinawan ang estado ng mga tumambad na kargamento.

7

Related posts

Leave a Comment