(Ni Joel O. Amongo)
Ipatutupad na ng Department of Finance (DOF), Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Fuel Marking Program matapos na mailathala na sa pambansang pahayagan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nitong nakaraang Hulyo 5, 2019.
Sa Joint Circular (JC) na nakapaloob sa Section 148-A ng National Internal Revenue Code (NIRC) bilang amendments sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ay nakasaad na gagamitin ang mga katanungan kaugnay sa official fuel marker sa refined, manufactured o imported gasoline, diesel at kerosene sa Pilipinas.
Sa probisyon ng NIRC na nakasaad sa Sections 12, 15, 155, 171, 172, 157 at 265-A na maglaan ang BOC at BIR ng awtorisasyon para sa pagkolekta, monitor at paghuli ng lumalabag sa batas kaugnay sa fuel marking.
Ang IRR ay suportado ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) sa ilalim ng 214, 219 at 222 para bigyan ng awtorisasyon ang BOC officers na magsagawa ng paghalughog, pagsabat, pag-aresto gayundin ang pagpapatupad ng kanilang police powers laban sa mga lumalabag nito.
Kaugnay nito, ang BIR naman ang responsable sa pagtiyak ng petroleum products na markahan muna bago mailabas sa pabrika o refinery, sa owner’s tax paid storage facilities/depots o para sa distribusyon sa mga pamilihan.
Samantala ang BOC naman ang responsable sa pagtiyak na tama ang pagmamarka ng produkto bago mailabas sa bakuran ng Customs o pagkatapos na mailabas sa tax-paid storage facilities/depots para sa distribusyon sa domestic market.
Para naman sa pagsasagawa ng random field testing, ang BIR ang siyang mangangasiwa sa petroleum products mula sa refineries at sa depots gasoline stations at iba pang retail outlets habang ang BOC naman ang mangangasiwa sa vessels, depots, warehouses, tank trucks o iba pang fuel-transporting vehicles.
Kasabay nito, binalaan naman ang may petroleum products na mapatutunayang walang official marker o kaya may marker pero kulang sa required level na hinuhulaan lamang na imported at nagtatangkang mandaya sa pagbabayad ng duties at taxes ay may kaakibat na kaparusahan.
Bukod sa kasong kriminal ay maaari ring kumpiskahin ang petroleum products pabor sa gobyerno.
Layunin pa rin ng BIR at BOC na mapataas ang koleksyon sa buwis na may kinalaman sa imported products para sa gobyerno.
371