JACKPOT SA CONTAINER SCAM

0

IMBESTIGAHAN NATIN NI JOEL O. AMONGO

SA kabila pa ng mga babala at paghihigpit ng Bureau of Customs (BOC), nakakalungkot isiping tila walang takot ang sindikato sa likod ng container investment scam sa Aduana.

Dangan naman kasi, mas malaki ang kikitain sa papalapit na Kapaskuhan – panahong dagsa ang pagdating ng mga kargamento mula sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Hindi rin naman nakakapagtakang maraming madenggoy ang sindikato sa pangakong P2.5M na kita sa loob lang ng 55 araw. Susmaryosep!

Daig pa ang tanyag na pyramiding scheme noong mga nakaraang dekada.

Sa ilalim ng tinatawag na container investment scam sa BOC, nangangalap ang sindikato ng mga nais mamuhunan para sa mala-jackpot na kitaan sa loob lamang ng maikling panahon kung tataya sila sa mga nakatenggang container sa Aduana.

Saad ng aking impormante, siya mismo ay makailang ulit nang hinimok na maglagak ng milyong piso ng isang “BS” kasabay ng pangakong matamis pa sa sambit ng mga pulitkong nangangalabit para sa boto.

Katunayan, may screenshots tayo ng text message ng ungas na si BS sa ating impormante – “Hindi legal to bro para i-chat hahaha. Basta 55 days per cycle 50% kasama puhunan. Ngayon double cycle para mas malaki at malapit na ang Pasko.”

But wait, there’s more – nagpadala pa ng larawan ng bundle-bundle na salapi, kalakip ang mensaheng MOTIVATE YOURSELF, P2.5M in 55 days.

Mahigpit sa dilang mahigpit si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero. Ang nakakapagtaka lang ay kung paano nakakalusot ang mga galawang sindikatong tulad nito.

Sa abot ng ating kaalaman, sadya namang dinedesisyunan ng BOC ang mga abandonado at kumpiskadong kargamentong pampasikip lamang sa pasilidad ng kawanihan. Pero ang mga nasabing kargamentong dinidispatsa ng BOC ay karaniwang idinadaan sa subasta at hindi sa usapang pailalim dahil ito mismo ang ayaw ni Guerrero.

Ang siste, sapul dito ang walang malay na kakagat sa modus ng sindikato dahil wala namang katiyakang makokorner nila ang kumpiskado at abandonadong kargamento sa ilalim ng prosesong “public auction” ng kawanihan. Ni walang resibong tinanggap ang milyong pisong requirement sa anila’y mala-jackpot na kitaan umano sa Aduana.

Pag nagkataon, sayang lang ang pagsisikap ni Guerrero. Masisira lang sa galawang sindikatong tila may basbas ng ilang taong gobyerno.

oOo

Para sa sumbong, lumihan sa email add: operarioj45@gmail.com o magtext sa 0919-2595907

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment