(Ni JO CALIM)
Mahigit na sa isandaang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) ang tuluyan nang sinampahan ng kasong kriminal at administratibo ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Ayon sa BOC midyear report na iprinisinta ni Customs Commissioner Guerrero nitong nakaraang Martes (Aug. 20), sinabi nitong nakapagsampa na sila ng kabuuang 120 kasong administratibo at 20 kasong kriminal laban sa 119 personnel ng Customs.
Sinabi pa ng opisyal na may 27 pang opisyal ang sinilbihan ng show cause order matapos paghinalaang hindi nagtatrabaho nang maayos at sangkot sa katiwalian.
Naniniwala si Guerrero na ang pagiging korap at hindi maayos na pagtatrabaho ng mga opisyal ng Customs ang dahilan kaya hindi maabot ang revenue target ng BOC.
Ayon pa rin sa report, may mga opisyal na sinuspendi habang 7 na rin ang sinibak sa puwesto kaalinsunod na rin sa kautusan ng Office of the Ombudsman nitong nakaraang Agosto 15.
Nag-ugat ang suspensyon at pagsibak dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang kasalanan, kasama ang pagkakadawit sa smuggling ng shabu kamakailan.
Ayon pa kay Guerrero, 52 Customs officials na unang binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte ay kasama sa bilang na sisibakin sa Aduana.
Idinagdag pa ni Guerrero na may BOC officials din ang nasa floating status at itinalaga ang mga ito sa Customs Compliance and Monitoring Division na kung saan sila ay araw-araw na magre-report.
Layunin pa rin ng hakbang na ito ni Guerrero na tuparin ang nais ng pangulo na masawata ang katiwalian sa BOC at ang kaliwa’t kanang smuggling sa bansa.
133