LAMBORGHINI HAGIP SA MICP

HINDI nakalusot sa mapagmatyag na kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang panibagong tangkang pagpuslit ng mamahaling sasakyan sa Manila International Container Port (MICP) sa bansa, kamakailan.

Sa ulat ng MICP-Customs Intelligence and Investigation Service, nakatanggap ang BOC Intelligence Group ng isang timbre mula sa impormante kaugnay ng paglapag ng isang kargamentong naglalaman umano ng segunda manong sportscar – hudyat para agad na maglabas ng isang alert order si MICP District Collector Romeo Allan Rosales.

Nang matunton ang tinutukoy na kargamento, agad na nagsagawa ng isang physical examination kung saan tumambad ang isang kulay itim na second-hand Lamborghini Aventador.

Sa datos ng ahensya, idineklarang “brand new” Lamborghini Huracan ang laman ng nasabing kargamento sa hangaring malusutan ang restriksyon kaugnay ng umiiral na pagbabawal
sa pag-angkat ng mga segunda manong sasakyan mula sa ibayong dagat.

Paglilinaw ng ahensya, apat na ulit na mas mataas ang presyo ng Lamborghini Aventador kumpara sa Lamborghini Huracan na anila’y pinakamurang modelo ng mga sports car na gawa ng Lamborghini. Mas mababa rin anila ang buwis na katumbas ng mas murang modelo.

Base sa mga dokumento, lumalabas din na isang JRQ Car Trading ang nakatalang consignee.

Kasong paglabag sa Section 1113 ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang nakatakdang isampa sa Department of Justice (DOJ) laban sa naturang kumpanya.
(JO CALIM)

113

Related posts

Leave a Comment