LIQUID MARIJUANA, NAPURNADA

HINDI nagawang ikubli ng pagiging malikhain ng sindikato ang tangka nitong magpasok ng bote-botelyang liquid marijuana sa Clark International Airport kama­kailan.

Silat sa Bureau of Customs – Port of Clark (BOC-POC) ang mga kontrabandong idineklarang “over-the-counter drugs for personal use” makaraang dumaan sa maingat na pagsusuri ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Bagama’t hindi gaano kalakihan ang nasabat na

liquid marijuana, naging hudyat naman ito para mas paigtingin pa ng ahensya ang paghihigpit sa mga ipinapasok na selyadong botelya, pildora, kapsula at maging mga herbal at cosmetic products sa bansa.

Ayon pa sa BOC, lumalabas sa pagsusuri ng PDEA na positibong purong katas ng marijuana ang tatlong botelya ng Curegenics CBD Tincture na nasabay sa nasabing pa­liparan.

Gayunpaman, hindi na bago sa naturang kagawaran ang liquid marijuana. Katunayan anila, may nasilat na rin silang bagaheng naglalaman din ng katas ng marijuana nitong nakaraang taon.

Bukod sa liquid marijuana, bantay-sarado rin anila sa kanilang ahensya ang mga vape juice, CBD creams, e-liquid pods at juicy jay hemp na karaniwang gamit sa pagkukubli ng katas ng droga.
Pagtitiyak ni Port of Clark District Collector Alexandra Lumontad, mas pag-iibayuhin pa nila ang paghihigpit sa mga kargamento, kontrabando at bagaheng posibleng naglalaman o may bahid droga, lalo pa’t inaasahan nilang sasamantalahin ng mga sindikato ang bugso ng mga papasok na kargamento sa bansa bilang paghahanda sa nalalapit na kapaskuhan.

145

Related posts

Leave a Comment