MABILIS NA PROSESO SA AIR CARGO TINIYAK

PERSONAL na bumisita kamakailan ang mga opis­yales ng Embahada ng bansang China sa tanggapan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa hangaring magbahagi ng kaalaman at tulong para sa mas mabilis na kalakalan.

Sa isang pulong sa pagitan ni BOC-NAIA District Collector Carmelita Talusan, Consul Wang Minhao at Cao Kaiwen ng Chinese Embassy, tinalakay ang pagtutulungan sa pagitan ng dalawang bansa sa pagproseso ng air cargo shipments na lumalapag sa naturang paliparan mula sa China.

Pag-amin ni Talusan, malaking hamon para sa kanyang distrito ang pagpasok ng mga Tsino at kargamento mula sa bansang China bunsod ng lenggwahe at manuskritong kalakip ng mga air cargo – bagay na agad tinugunan ng mga panauhing opisyal ng embahada.

Sa layuning maibsan ang balakid bunsod ng lenggwahe, naghandog ang konsulado ng translator devices at training assistance sa mga kawani ng BOC-NAIA para sa angkop na paggamit ng makabagong teknolohiya.

Para kay Talusan, higit na kailangang pasiglahin nang husto ang kalakalan sa kanyang distrito bilang ambag sa isinusulong na kaunlaran ng administrasyong Marcos Jr.
(JO CALIM)

106

Related posts

Leave a Comment