MARITIME BORDER SECURITY NG BOC-CDO MAS PINALAKAS

ASAHAN ang mas pinalakas na maritime border security sa dakong Misamis Oriental kasunod ng paglulunsad ng dalawa pang Fast Patrol Boats ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Cagayan de Oro, kalakip ang direktibang tugisin ang mga smuggling syndicates na una nang napabalitang namamayagpag sa karagatang sakop ng nasabing distrito.

Sa kumpas ni BOC-Caga­yan de Oro District Collector Atty. Elvira Cruz, pinangunahan ni Water Patrol Division officer-in-charge Major Danielo Gonzales ang paglalayag ng dalawang bagong sasakyang dagat na gagamitin sa pagpapatrolya at pagtugis sa mga piratang-dagat sa naturang lalawigan.

Sa seremonyang dinaluhan ni Cruz, kabilang din sa mga tumayong saksi sa paglulunsad sina BOC-CDO Enforcement Security Service chief Capt. Abdila Maulana Jr., Deputy Collector for Operations Elizabeth Delas Llagas,Deputy Collector for Administration Atty. Roswald Joseph Pague, CIIS-CDO chief Oliver Valiente at ESS-CDO deputy commander Lt. Arkhan Macaombang.

Panauhin rin sina Opol Municipal Mayor Max Seno at kinatawan mula sa mga katuwang na ahensya tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police Maritime Division at Philippine Ports Authority (PPA).

Base sa datos ng BOC-CDO, kayang magsakay ng hanggang 10 katao ang sasakyang dagat habang tumatakbo sa karagatan sa bilis na 50 knots.

Kabilang ang dalawang bagong fast boats na itinalaga sa Cagayan de Oro sa 20 units na binili ng kawanihan bilang bahagi ng puspusang modernisasyon ng naturang ahensya.

Inaasahan naman ni Major Gonzales na ganap nang maikakasa ang 50 caliber firepower sa mga bagong sasakyang dagat na kanilang gagamitin sa pagpapatrolya sa karagatan sa lalong madaling panahon.

“Actually this will be equipped with 50-caliber firepower including short fire-arms and we are requesting that for our maritime security,” aniya.

Lubos naman ang pasalamat ni Cruz kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa tiwala at suportang ibinubuhos sa kanyang nasasakupang distrito. (JO CALIM)

68

Related posts

Leave a Comment