MICP, 2 BESES TINANGKANG PALUSUTAN NG ‘SMUGGLERS’

Imbestigahan Natin Ni LUCAS CASTIGADOR

SUNUD-SUNOD sa loob lamang ng isang linggo ngayong Hunyo na dalawang beses tinangkang palusutan ng smuggled vehicles ang bakuran ng Manila International Container Port (MICP) sa Maynila.

Ang tinutukoy po natin ay nitong Hunyo 2, tatlong mamahaling sasakyang ang tinangkang ipuslit mula sa bakuran ng MICP.

Una ay ang isang yunit ng Ferrari F430 Scuderia, isang yunit ng Mercedes Benz SLK 55 AMG at isang yunit ng Mercedes Benz E220 na nagkakahalaga ng 20 milyong piso ang tatlong mga sasakayan.

Sa tulong ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), nasabat ng MICP ang nasabing mga sasakyan.

Idineklara ang shipment ng tatlong sasakyan bilang mga “used trucks parts” na itinago sa 33 bales ng ukay-ukay.

Ang shipment na ito ay nagmula sa Japan na naka-consigned sa JLFDM Consumer Goods Trading.

Makalipas lang ng pitong araw, noong Hunyo 9, muli na namang tinangkang palusutan ng mga sasakyan mula sa bakuran ng MICP.

Kabilang sa mga ito ay isang yunit ng Brand New Land Cruiser, isang yunit ng 2016 Nissan GTR at isang yunit ng 2020 Chevrolet Camaro ZL1.

Ang tatlong sasakyang ito ay nagkakahalaga ng 16 milyong piso na naka-consigned sa ADFINEST Marke­ting Corporation, subalit hindi binanggit kung saan nagmula ang mga ito.

Bakit kaya?

Ang pagkakasabat sa dalawang shipment na ito ay bahagi raw ng “COPLAN TSEKOT” ng Bureau of Customs (BOC).

Pawang inisyuhan ng “Warrant of Seizure and Detention” (WSD) sa paglabag sa Section 1400 ng Republic Act (RA) 10863, o mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), ang dalawang shipment ng mga sasakyan.

Inaasahan na maisasama sa blacklisted importers at brokers ng BOC ang nasa likod ng mga smuggling na ito ng mga sasakyan.

Ang malaking katanungan ngayon kung alam ng car smugglers na hindi makalulusot ang kanilang kargamento pagdating sa MICP, bakit pinili pa nilang magpasok ng mga sasakyan dito?

Ayon sa source, hindi raw sila nagkasundo sa pres­yuhan ng lagay, kaya ipinatimbog ang dalawang shipment ng mga sasakyan.

Hindi magbabakasakali ang nasa likod ng dalawang beses na pagtatangkang pagpapalusot ng mga sasak­yan na ito kung alam nilang mabubulilyaso ang kanilang shipment.

Hindi biro ang 16 milyong piso at 20 milyong pisong halaga ng mga sasakyan na kinumpiska ng gobyerno.

Maraming port sa iba’t ibang lugar sa bansa na hindi katulad ng higpit sa MICP na maaaring pasukan ng smuggled vehicles, bakit ang bakuran pa ng MICP ang kanilang piniling pasukan?

Ngayon, nahaharap sa kasong kriminal ang importers at brokers ng nasabing smuggled vehicles, dapat isabay na hubaran ng maskara at kasuhan ang kanilang kasabwat na nasa loob ng MICP.

‘Yan ang hamon ngayon kay MICP District Collector Romeo Allan Rosales.

May suhestiyon pa sa atin na dapat daw ang patakaran sa mga port na nalulusutan ng smuggling ay ipareho sa pulisya na kapag may holdapan ng bangko sa kanilang area of responsibility ay awtomatikong sibak sa kanilang puwesto.

oOo

Sa sumbong at reaksyon, maaaaring mag-email operarioj45@gmail.com.

238

Related posts

Leave a Comment