MODUS PUSLIT YOSI, BIGO SA DAVAO CITY

HUMIGIT-kumulang P3-mil­yong halaga ng smuggled na sigarilyo ang kumpiskado sa checkpoint na inilatag ng Bureau of Customs (BOC), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Lungsod ng Davao, ka­makailan.

Ayon sa pahayag na inilabas ng BOC-Collection District XII, timbog sa checkpoint ang 103 malaking kahon ng smuggled yosi na lulan ng isang aluminum wing van na sadyang inaabangan matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa pagbiyahe ng naturang kargamento.

Arestado rin ang hindi tinukoy na drayber at pahinante, habang kumpiskado ang sasakyang pinaniniwalaang gamit sa ilegal na pagpapakalat ng kontrabando.

“The BOC intercepted 103 boxes of illicit cigarettes worth P3 million and a Fuso Aluminum Wing Van during a checkpoint operation,” saad sa isang bahagi ng kalatas ng BOC-Collection District XII.

Nahaharap naman sa kasong paglabag ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang mga arestadong suspek, habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa hangaring matukoy ang may-ari ng van at kontrabandong sinamsam sa bisa ng Warrant of Seizure and Detention na pirmado ni District Collector Erastus Sandino Austria.

“The seized items were immediately turned over to the BOC, and the suspects are now under the custody of the PNP, Region Office 11, for filing appropriate charges relative to the smuggling of illicit cigarettes.”

33

Related posts

Leave a Comment