NAKIKINABANG BA ANG GOVT SA SMUGGLED ITEMS?

0

IMBESTIGAHAN NATIN NI LUCAS CASTIGADOR

MAY mga taong nagtatanong sa Imbestigahan Natin kung may pakinabang daw ba ang gobyerno sa mga nakukumpiska ng Bureau of Customs (BOC) na smuggled items na pumapasok sa bansa.

Ang pagkakaalam ng Imbestigahan Natin, depende sa kalakal na nahuhuli ng BOC, sa pamamagitan ng labingpitong district collection units sa buong bansa.

Kung tulad ng mga pekeng sigarilyo, pekeng bags, shoes at pagkaing posibleng kontaminado ng bakterya ay walang pakinabang ang gobyerno rito.

Sa halip, gumagastos ang gobyerno sa pagdurog, o pagwasak, sa mga ito.

Ang mga kalakal na ito kapag klaro na ang usapin at napatunayang walang mga dokumento na ipinasok sa bansa ay isinasailalim ang mga ito sa kondemnasyon, o winawasak, ng gobyerno upang hindi na mapakinabangan ng mga tao.

Hindi naman lahat ng mga sasakyan na nakukumpiska ng BOC ay sinisira.

Ang iba rito ay idino-donate sa ilang ahensya ng gob­yerno tulad ng Philippine National Police (PNP) para gawin nilang service vehicle.

Maraming beses na ring nag-donate ang BOC sa Department of Education (DepEd) ng gadgets tulad ng cellphones, tablets at laptops, lalo na nitong nagsimula ang COVID – 19 na nangailangan ng gadgets ang mga estud­yante dahil sa online classes na ipinatupad sa buong bansa.

Ang ilang ukay-ukay na nakukumpiska ng BOC ay idino-donate sa mga naapektuhan mga kalamidad sa bansa.

Kaysa nga naman wasakin, mas makabubuting mabigyan ng mga damit ang mga tao na tinatamaan ng mga bagyo taun-taon.

Mahigpit namang ipinagbabawal ang pagkain ng mga smuggled na karneng baboy na posibleng kontaminado ng African Swine Fever (ASF).

Layunin ng gobyerno na hindi na kumalat ang dalang virus ng mga baboy na ipapasok sa bansa.

Isinasailalim naman sa auction ang ilang container na naglalaman ng iba’t ibang items para makakuha ng karagdagang pondo ang gobyerno mula rito.

Ang mga nakukumpiskang wild live animals ay itinu-turn over ng BOC sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para pangalagaan ang mga ito.

Ang hakbang na ito na pagdispatsa ng mga kumpiskadong smuggled item na ginagawa ng BOC ay nakabatay sa Customs Laws.

Doon sa mga tanong na may pakinabang ba ang gob­yerno sa smuggled items, mayroon.

Kaso, kakaunti lamang.

Hindi katulad ng legal importation ng mga kalakal na malaking tulong sa gobyerno at maging sa mga negos­yante.

Kaya nga lang alaws sa smuggler at sa kasabwat nitong mga tiwaling empleyado ng gobyerno.

Nganga!

Sa smuggling kasi, ang kinikita dito ay napupunta lang sa bulsa ng mga tiwaling tao.

Piniperwisyo rin nito ang mga nagnenegosyo nang legal sa Pilipinas.

Hindi sila lumalaban nang parehas, gusto nila lagi silang lamang.

Apektado rin ng smuggling ang mga local producer tulad ng mga smuggled na karneng baboy, baka, gulay, bigas, asukal at prutas na sapul nito ang mga magsasaka.

Mas malaking perwisyo ang dulot ng smuggled items kaysa naitutulong nito.

Maging sa mga magsasaka man at sa gobyerno.

Nakaiiwas kasi ang mga nasa likod nitong smugglers sa duties at taxes na dapat nilang babayaran sa pamahalaan.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa: operarioj45@gmail.com at magtext sa cel# 0919-259-59-07

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment