NICA, NSC SASABAK NA RIN SA DIGMAAN KONTRA SMUGGLING

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., nakatakda na ang pagsabak sa aktuwal na operasyon kontra illegal smuggling ang dalawang bigating tanggapan sa loob ng Palasyo.
Sa kalatas ng Bureau of Customs (BOC), partikular na tinukoy ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Security Council (NSC) sa mga mga bagong makakatuwang ng kawanihan laban sa pagpupuslit ng lahat ng uri ng kontrabando – droga, armas, si­garilyo, produktong agrikultura at iba pa.

Sa isinagawang Inter-Agency Intelligence Summit, pormal na ring nagkasundo ang BOC, NICA, NSC at maging ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa sabayang pakikidigma laban sa mga anila’y sumasabotahe sa ekonomiya ng bansa.

Kabilang sa mga napagkasunduan ang paglalapat ng mga pagbabago sa estratehiya kontra sindikato, paglalaan ng pabuya sa mga impormante, pangangalap ng sapat na ebidensya laban sa mga smuggler bago magsampa ng kaso sa piskalya, at ang pagtitiyak na maipapanalo ang kaso sa husgado.

Nakatakda na rin ang implementasyon ng pinakamataas na antas ng pagbabantay sa karagatan at paliparan kung saan anila karaniwang pinapadaan ang mga kontrabando.

Bilang pambungad, tututok ang mga naturang ahensya sa mga sindikato sa likod ng pagpupuslit ng droga at produktong agrikultura, habang inilalatag ang iba pang panuntunan sa hanga­ring tuluyang wakasan ang lahat ng uri ng pandaraya sa gobyerno – kabilang ang tinatawag na ‘technical smuggling’.

Para kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, napapanahon nang tuldukan ang ‘nakagisnang kultura ng sabwatan’ sa pagitan ng mga sindikato at mga kasapakat sa gob­yerno. (JOEL AMONGO)

239

Related posts

Leave a Comment