P15.5M ECSTASY HAGIP SA REGALONG PADALA

HUMIGIT kumulang 10,000 tabletas ng pampasiglang drogang kilala bilang ecstasy ang nasabat ng mga operatiba sa isang pinagsanib na operasyon ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa lungsod ng Pasay.

Sa tala ng PDEA, aabot sa P15.5 milyon ang halaga ng mga kumpiskadong drogang ikinubli sa tatlong bagaheng naglalaman ng pitong mamahaling handbags na inangkat pa mula sa bansang Netherlands.

Batay sa dokumentong ka-­­la­kip ng nasabing bagahe, idineklara ang kargamentong inilagak sa Central Mail Exchange sa NAIA Complex bilang mga regalong handbags.

Subalit nang idaan anila ang mga naturang bagahe, nasipat nila gamit ang mga makabagong x-ray machines ang kakaibang hugis ng mga sisidlan sa loob ng mga naturang mamahaling lady handbags, bagay na nagtulak sa mga kawani ng BOC-Port of NAIA na magsagawa ng mas konklusibong proseso gamit ang mga drug-sniffing K-9 units ng PDEA.

Makaraang magpositibo batay sa ikinilos ng mga drug-sniffing K-9 units, agad na nagsagawa ng manu-manong inspeksyon kasama ang mga kinatawan mula sa Philippine Drug Enforcement Agency. Dito na tumambad ang 16 na mas maliit na sisidlang pawang naglalaman ng mga tabletang ecstasy.

Nang suriin ng PDEA Laboratory Service Unit, positibong droga ang mga naturang tablet – hudyat para agad na samsamin ang mga “regalong” mula sa Netherlands.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa layuning tukuyin at panagutin ang nagpadala at pinadalhan. (BOY ANACTA)

15

Related posts

Leave a Comment