SA gitna ng mainit na kontrobersiyang kinasasangkutan ng bayaw ng Pangulo, nasa P18.6-milyong halaga ng mga imported na sibuyas ang nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) sa Lungsod ng Zamboanga.
Sa ulat ng BOC-Port of Zamboanga (BOC-Zambo), timbog sa maritime patrol operation na ikinasa ng Water Patrol Division ang bangkang-de-motor na MV Princess Nurdisza lulan ang 5,611 mesh bags ng red and white onions (katumbas ng P18.6 milyon) sa Barangay Ayala, ng nasabing lokalidad.
Hinala ng mga nakasabat na operatiba, dadalhin ang kontrabandong mula sa Tawi-Tawi sa Barangay Baliwasan (Zamboanga City) kung saan diumano karaniwang bumabagsak ang mga smuggled na kargamento.
Wala rin anilang ipinakitang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance mula sa Department of Agriculture (DA)-Bureau of Plant Industry ang mga tripulante bilang patunay na lehitimo ang pagbiyahe ng nasabat na kargamento.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Section 1401 ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act of 2016) at RA 10845 (Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016) ang hindi pinangalanang suspek.
Sa isang pahayag, pinabulaanan din ni BOC-Zambo District Collector ang alegasyon hinggil sa diumano’y pambuburiki ng nasabat na agri-products na aniya’y agad na inilipat sa kustodiya ng DA Research Center sa Barangay Talisayan, Zamboanga City.
Pagmamalaki pa ni Barte, ang nasabat na kontrabando ay pangatlo na para sa buwan ng Enero.
(JOSE OPERARIO)
