TUMATAGINTING na isang bilyong halaga ng kontrabando ang nasabat ng Enforcement and Security Service (ESS) sa unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon, ayon sa kalatas ng Bureau of Customs (BOC).
Sa talumpati ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio kasabay ng pagdiriwang ng ika-35 anibersaryo ng tanggapan kung saan siya unang nagtrabaho, binigyan ng pagkilala ang ESS kaugnay ng 81 kargamentong nakumpiska mula Enero hanggang Marso.
Kumbinsido naman ang BOC chief na epektibo ang mga nakalatag na reporma sa kawanihan.
Katunayan aniya, halos mapantayan ng mga ikinasang operasyon kontra smuggling ang halaga ng nasabat na kontrabando mula Enero hanggang Disyembre ng nakalipas na taon.
Sa datos ng kawanihan, 397 kargamento ang nasabat ng BOC noong nakaraang taon. Gayunpaman, umabot lang sa P1.044 bilyon ang kabuuang halaga ng lahat ng nakumpiskang kontrabando sa likod ng bulilyasong kargamento.
“With this kind of performance, the ESS is evidently of great help and is necessary in attaining our 5-Point Priority Program. Crafted through 35 years of existence, the ESS remains not only in the forefront of border protection but also of strictly implementing security measures that ensure the safety of the entire Customs community,” ani Rubio.
