P1M SMUGGLED YOSI, HAGIP SA SORSOGON

KUMPISKADO sa mga alistong operatiba ng Bureau of Customs (BOC) sa lalawigan ng Sorsogon ang nasa mahigit isang milyong halaga ng mga pinaniniwalaang smuggled na sigarilyo habang bumibiyahe patungo sa Visayas region.

Sa kalatas ng BOC, hagip sa pinagsanib na operasyon ng Enforcement and Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Philippine Coast Guard sa Matnog Port ang kontrabandong lulan ng isang van na patungo sana sa Cebu matapos kunin ang mga 758 ream ng imported na sigaril­yo sa Ongpin, Maynila.

Ayon kay BOC-Port of Legazpi District Collector Segundo Sigmundfreud Barte, Jr., sinamsam ang kontrabando matapos ma­bigo ang hindi tinukoy na suspek na maipakita ang mga kaukulang dokumentong patunay na binayaran ang buwis at taripang kalakip ng mga sigarilyong inangkat pa diumano mula sa Tsina.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng kawanihan sa hangaring matukoy at panagutin sa batas ang pinagmulan at pagdadalhan sana ng mga smuggled na sigarilyo. Kabilang sa mga kasong isinampa sa piskalya ang paglabag ng Republic Act 10863 (Customs Mo­dernization and Ta­riff Act) at RA 8424 (National Internal Revenue Code of the Philippines).

 

97

Related posts

Leave a Comment