UMABOT sa 40,000 liters ng smuggled fuel na tinatayang P2.4 milyon ang halaga, ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs – Port of Limay kamakailan.
Noong Oktubre 5, 2023 ng umaga, pinangunahan ni Acting District Collector Guillermo Pedro A. Francia, ang operasyon ng mga awtoridad sa isang fuel loaded truck na nagtangkang dumaan sa checkpoint ngunit pinahinto para ipresenta ang kaukulang mga dokumento.
Bilang pagsunod sa proseso, si Collector Francia ay nag-utos sa Port of Limay Enforcement and Security Service (ESS) ng pagsasagawa ng field test sa langis sa nasabing trailer tanker.
“Fail” ang naging resulta ng pagsusuri kaya naman nagsagawa ng malalim na imbestigasyon sa pamamagitan ng ESS – Customs Police Division (CPD).
Pagkatapos ng beripikasyon sa paunang resulta ng pagsusuri ay kinumpiska ng mga awtoridad ang umano’y smuggled fuel na umabot sa 40,000 liters na P2.4 milyon ang halaga.
Samantala, binigyang-diin ni Collector Francia ang kanilang pangako sa pagpapalakas ng anti-smuggling campaign sa pamamagitan ng implementasyon ng regular checkpoints sa area of jurisdiction.
Layunin ng mga pagsisikap na ma-detect at pigilan ang illegal transport ng mga kalakal, pagtitiyak sa proteksyon ng ‘country’s economic interests’ at pagpapatupad ng batas.
Samantala, pinuri naman ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio si Collector Francia at ang Port of Limay dahil sa kanilang aktibong pag-monitor at pagpapatrol sa mga hangganan ng bansa laban sa ilegal na kalakalan.
“The Bureau of Customs remains steadfast in its dedication to thwarting illegal smuggling operations and safeguarding the nation’s economy. This successful operation reflects the unwavering commitment of our dedicated personnel,” ayon pa kay Commissioner Rubio.
(JO CALIM)
109