(Ni JOEL AMONGO)
AABOT sa P200,000 halaga ng kush weeds at liquid marijuana ang nasabat ng pinagsanib na pwersa ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force at Philippine Drug Enforcement Agency sa Pasay City noong Lunes.
Nakadeklarang isang pares ng sapatos at tsokolate ang laman ng parcel subalit nang isailalim sa eksaminasyon ay natuklasang apat na pakete ng hinihinalang kush weeds at 10 cartridge ng liquid marijuana.
Nabatid na ang parcel na ilegal na droga ang nakalagay ay naka-consigne sa isang indibidwal na mula sa Sampaloc, Manila.
Siniyasat ng CAIDTF at PDEA ang parcel matapos maamoy na katulad ito ng naunang padala na nasabat noong nakaraang taon na marijuana rin ang laman at naaresto ang taong pinadalhan nito na isa ring taga-Sampaloc.
Ang pagkakasabat ng BoC sa ilegal na droga ay kauna-unahan sa pagpasok ng taong 2020.
Mas pinatindi ng Bureau of Customs (BoC) ang kanilang mandato sa pagbabantay ng mga paliparan at daungan upang hindi makapasok ang mga ilegal na kargamento at mga padala mula sa ibang lugar.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni BoC Commissioner Rey Leonard Guerrero ang publiko na matindi ang parusa sa mga lumalabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization Tariff Act na puwedeng ikabit din sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Idinagdag ni Guerrero na ang batas ay walang pinipili maging mayaman o mahirap ang nagkasala.
176