P24.6-M SMUGGLED CIGARETTES NASABAT NG BOC-ZAMBOANGA

NASABAT ng Bureau of Customs-Port of Zamboanga (BOC-POZ), sa pamamagitan ng kanilang Enforcement and Security Service (ESS), at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), sa tulong ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company “Seaborne”, ang P24.6 milyong halaga ng smuggled cigarettes sa karagatan ng Brgy. Sinunuc, Zamboanga City, noong Oktubre 20, 2023.

Sa pinatinding border control laban sa smuggling, ang team ay nagsagawa ng maritime patrol operation na nagresulta sa pagkakaharang sa motorized wooden watercraft na may tatak na “MB UTOH MAT MAT”, na may kargang kahon-kahong mga sigarilyo.

Isiniwalat ng limang crew members na ang sasakyang pandagat ay nagmula sa Jolo, Sulu at patungo sa Zamboanga City.

Gayunpaman, ang mga tripulante ay hindi nakapagsumite ng mga dokumento na magpapatunay na legal ang kanilang importasyon ng nasabing mga kargamento.

Sa isinagawang imbentaryo ng BOC noong Oktubre 23, 2023, natuklasan na ang sasakyang pandagat ay may kargang 423 master cases ng sigarilyo na may iba’t ibang brands tulad ng President at Cannon Menthol.

Binigyang-diin ni Acting District Collector Arthur G. Sevilla, Jr., na ang Port of Zamboanga, sa malapit na pakikipag-ugnayan sa iba pang operating units, ay isinagawa ang maritime patrol operations ayon sa direktiba ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, upang pagbutihin ang mga estratehiya ng BOC sa paglaban sa illicit cigarette trade.

Kaugnay nito, ang subject vessel at imported master cases ng sigarilyo ay ipinag-utos na kumpiskahin, at ngayon ay pinipigil dahil sa paglabag sa Section 1113 (a) ng RA 10863, o “Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) of 2016″ na may kaugnayan sa Section 117 (Tobacco Exportation and Importation Rules and Regulations).

(JO CALIM)

152

Related posts

Leave a Comment