P240-M PEKENG PRODUKTO NASABAT SA BOC-PORT OF SUBIC

MATAGUMPAY na nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs – Port of Subic ang dalawang 40-foot container shipments na naglalaman ng iba’t ibang pekeng kalakal kamakailan.

Kabilang sa mga nakum­piska ang mga pekeng Balenciaga, Louis Vuitton, Adidas, Calvin Klein, Under Armour, Lacoste, GAP, Nike, Zara, Reebok, at iba pang brands, na paglabag sa Intellectual Property Rights (IPR) regulations.

Ang nasabing operasyon ay bunga ng pagsisikap na labanan ang paglabag sa intellectual property rights at protektahan ang karapatan ng lehitimong mga negosyo.

Kasunod ng intelligence report na natanggap ni Port of Subic District Collector Carmelita M. Talusan, agad siyang nag-isyu ng magkakasunod na Pre-Lodgment Control Orders.

Sa pamamagitan ng 100% physical examination and cross-referencing of do­cumentation, natuklasan ng customs officers na ang nasabing containers ay naglalaman ng mga pekeng produkto na paglabag sa intellectual property rights.

Sa nasabing operasyon na iniutos ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, ay natuklasan ng mga tauhan ni District Collector Talusan at ng iba pang mga awtoridad ang 1,269 boxes ng mga pekeng produkto na nagtataglay ng trademarks at copyrighted materials na walang awtorisasyon mula sa mga may hawak ng karapatan.

Kaugnay nito, ang shipments ay inisyal na iniulat na naglalaman ng T-shirts subalit kalaunan ay natuklasan na naglalaman ng iba’t ibang brand new apparel na may logo at design ng branded goods, na tinatayang nagkakahalaga ng P240,000,000.

Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng hindi natitinag na pangako ng Bureau of Customs na protektahan ang mga karapatan ng intellectual property owners at pigilan ang pagkalat ng mga pekeng produkto sa merkado.

Nag-isyu ng Warrants of Seizure and Detention order laban sa subject shipments dahil sa paglabag sa Section 155 ng RA No. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines), na may kaugnayan sa Section 1113 (f) ng RA No. 10863 (CMTA).

(JOEL O. AMONGO)

182

Related posts

Leave a Comment