HINDI nakalusot sa mga tauhan ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), ang isang Malaysian traveler na nagmula sa Madagascar via Addis Ababa, na pasahero ng Ethiopian Airlines Flight ET 644, na may dalang P25.3 milyong halaga ng methamphetamine hydrochloride sa kanyang bagahe.
Ang bagahe ng nasabing pasahero ay isinailalim sa mahigpit na screening, kabilang ang X-ray scanning, at thorough physical examination, na naging daan ng pagkakatuklas sa 3.722 kilograms ng methamphetamine sa luggage lining, na tinatayang P25,308,600 ang halaga, ayon sa pagkumpirma ng PDEA.
“This apprehension is a product of the strengthened commitment of our officers to protect our borders from the entry of illicit goods. I commend the Port and our partner agencies in this successful interdiction and suppression of drug smuggling,” pahayag ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio.
Ang arestadong pasahero ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 9165, o The Comprehensive Dangerous Drugs Act, at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa ilalim ng pamumuno ni District Collector, Atty. Yasmin O. Mapa, ang BOC-NAIA ay nananatiling matatag sa pagganap sa mandato ng port, lalo na sa pagprotekta sa hangganan ng bansa.
Matatandaan, noong Setyembre 28, 2023, dalawang Singaporean nationals ang inaresto rin sa pagdadala ng P76.1 milyong halaga ng cocaine mula sa Doha, Qatar.
(JOEL O. AMONGO)
192