TUMATAGINTING na P4.9-milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyong lulan ng bangkang-de-motor ang nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) sa karagatang sakop ng lungsod ng Zamboanga.
Ayon sa BOC-Port of Zamboanga, kumpiskado ang nasa 141 master cases ng iba’t ibang klase ng mga imported na sigarilyong naispatan sa sabayang pagpapatrolya ng Enforcement and Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), at PNP 2nd Zamboanga City Mobile Force Company ang kontrabando habang naglalayag sa karagatan ng Barangay Arena Blanco.
Nang sitahin ng mga nagpapatrolyang opetratiba, walang naipakitang anomang dokumentong patunay na legal ang mga kargang sigarilyo – hudyat para sa agarang pag-aresto sa apat na lulan ng bangkang-de-motor.
Sa imbestigasyon, lumalabas na galing na papunta sa Zamboanga City ang hindi pinangalanang suspek para ibagsak ang nahagip na kontrabandong ibiniyahe pa mula sa Jolo.
Nahaharap sa kasong paglabag ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at Executive Order 245 (Amended Rules and Regulations Governing the Exportation and Importation of Leaf Tobacco and Tobacco Products) ang apat na suspek at ang mga may-ari ng kumpiskadong bangka at kontrabando.
“The BOC ensures the stringent implementation of our anti-smuggling campaign along our national borders. We remain adamant in our efforts to fight smuggling every day and around the clock,” ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio.
(JOEL AMONGO)