P5.2M DROGA NASABAT, CONSIGNEE SILAT SA QC

MULA Clark Pampanga, dinayo pa ng mga operatiba ang isang consignee sa Quezon City para ideliver ang hindi bababa sa P5.2-milyong halaga ng drogang inangkat pa mula sa bansang Netherlands.

Sa isang controlled delivery operation na ikinasa ng Bureau of Customs (BOC), Port of Clark, Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Enforcement and Security Services (ESS), X-ray Inspection Project (XIP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), arestado sina Evelyn Sotto alyas Jennica Abas at kapatid nitong nakilala bilang Genevie Abas, kapwa residente ng Barangay Tatalon sa nasabing lungsod.

Sa kalatas ng BOC, nadakip ang mga suspek sa aktong pagtanggap ng kontrabando sa kahabaan ng Philand Drive, Pasong Tamo sa Tandang Sora, QC. Batay sa kalakip na dokumentong bitbit ng mga operatiba, idineklara bilang solar lights mula sa Europa ang laman ng bagaheng dinala pa mula sa Port of Clark sa Pampanga.

Sa tala ng ahensya, aabot sa P5.2-milyon ang halaga ng nakumpiskang party drug na kilala bilang “ecstasy” makaraang ma­bisto ng mga kawani ng BOC-POC gamit ang K9 sniffing dogs na nagpa­malas ng kakaibang kilos sa nasabing kargamento.

Bunsod nito, agad na isinailalim sa x-ray ang naturang kontrabando, hudyat para tuluyan nang buksan ang naturang bagahe. Dito na tumambad ang mga ecstasy na ikinubli sa pagitan ng mga karton sa kahong pinaglagyan ng mga solar lights.

Sa tala ng ahensya, umabot sa 3,054 piraso ng tabletas na drogang mula pa sa Zaandam, Netherlands ang nasabat at agad na ipinasuri sa PDEA. Ang resulta – positibo sa droga.

Bukod sa consignee, patong-patong na asunto rin ang nakatakdang isampa laban sa nagpadala ng nasabing droga.

Related posts

Leave a Comment