NASABAT ng Bureau of Customs – Port of Zamboanga, sa tulong ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), Water Patrol Division, TG Aduana SWM/BARMM, at ng Coast Guard Inspector General – Southwestern Mindanao (CGIG-SWM), ang isang barkong naglalaman ng mga produktong petrolyo na P5.8 milyon ang halaga, sa Brgy. Cawit, Zamboanga City noong Setyembre 9, 2023.
Ang operasyon ay nag-ugat sa pamamagitan ng intelligence report na isang barko mula Taganak Island, Tawi-Tawi patungong Zamboanga City, ang may dalang smuggled fuel products.
Ang nasabing barko na may pangalang M/L Zshahuny II, ay naaktuhan na nagbaba ng drum-drum na langis sa Brgy. Cawit, Zamboanga City.
Nang tanungin at inutos na ipakita ang mga dokumento na magpapatunay na legal ang importasyon ng langis, ay walang naipakitang anomang dokumento ang mga nagbaba nito.
Sa isinagawang inventory, natuklasan ang 89,600 liters ng diesel fuel na nagkakahalaga ng tinatayang P5,800,000, na karga ng barko na may estimated value na P3,000,000.
Ang kapitan at tripulante ng M/L Zshahuny II, at iba pang facilitators ng fuel smuggling ay isinailalim sa profiling para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga ito.
Muli namang inulit ni District Collector Arthur G. Sevilla, Jr., na ang pangako ng Port of Zamboanga ay ang patuloy na walang humpay na pagpigil at paglaban sa smuggling activities sa rehiyon, sa pamamagitan ng suporta at patnubay ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, na naaayon sa mahigpit na utos ni President Ferdinand R. Marcos, Jr., para patindihin ang BOC’s anti-smuggling campaign.
Ang barko at ang kargamento ay kasalukuyang nasa kustodiya ng BOC para sa seizure and forfeiture proceeding dahil sa paglabag sa Sections 1113 (f), (g) and (l) (1) ng CMTA, na may kaugnayan sa Sections 107 (Value-added Tax on Importation of Goods), 148 (Excise Tax on Manufactured Oils and Other Fuels) at 148-A (Mandatory Marking of All Petroleum Products) ng National Internal Revenue Code (NIRC), bilang inamyendahan.
(JOEL O. AMONGO)
156