P670M KOPYANG KALAKAL HULI SA CAVITE, BULACAN

TUMATAGINTING na P670-mil­­yong halaga ng mga “counterfeit products” ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa magkahiwalay na operasyon sa mga lalawigan ng Cavite at Bulacan kamakailan.
Bitbit ang Letter of Authority na pinirmahan ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, timbog sa ikinasang operasyon ng Customs Intelligence and Investigation Service – Intellectual Property Rights Division (CIIS-IPRD) sa mga bodega ng Maclane Storage Facility sa kahabaan ng Niog Road, Bacoor City sa Cavite ang P590-milyong halaga ng mga pinekeng produktong kargado ng mga mamahaling tatak tulad ng Nike, Adidas, Lacoste, Dickies at iba pa.
Silat din sa naturang operasyon ang mga smuggled construction supplies, power tools, at marine communication and telecommunication devices.
Bulilyaso rin sa naturang lugar ang dalawang 40-footer container na naglalaman naman iba pang kalakal na pinaniniwalaan kinopya at sub-standard batay sa paunang pagsusuri ng mga ekspertong kawani ng naturang ahensya.
Sa imbestigasyon, lumalabas na bigo rin ang mga inabutang tauhan sa nasabing pasilidad na makapag-prisinta ng mga kaukulang dokumentong patunay ng pinagbayarang buwis ng mga nasabat na  kargamento, at importation permits mula sa gobyerno.
Sa bayan naman ng Ba­lagtas sa lalawigan ng Bulacan, hagip ang P78-milyong halaga ng mga kalakal na pawang walang safety standard seal mula sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sa operasyong ikinasa ng CIIS-IPRD, Port of Manila at National Bureau of Investigation (NBI), sinalakay sa bisa ng Letter of Authority ng BOC chief ang mga bodega sa loob ng Fochun Industrial Compound sa naturang lokalidad.
Habang iniimbentaryo ang mga nakumpiskang kalakal na kargado ng mga mamahaling tatak tulad ng Adidas, Nike, Jordan, Gucci, Kawasaki, Yamaha at Honda, tumambad din ang isa pang dambuhalang container. Batay sa mga nakalap na dokumento, lumalabas na pawang imported aluminum foils at hindi steel channel na siyang nakadeklara sa ipinrisintang dokumento.
Bukod sa asuntong hayagang pagsuway ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), posible rin anila sampahan ng kasong paglabag ng RA 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) ang may-ari ng mga nasabat na kalakal at may-ari ng mga naturang warehouse facilities.
(BOY ANACTA)
53

Related posts

Leave a Comment