SA likod ng rehas na inabutan ng Noche Buena ang isang 23-anyos na babae matapos dakpin ng mga operatiba kaugnay ng nasa P8.55-milyong halaga ng party drugs na padala mula sa ibang bansa.
Sa isinagawang controlled delivery operation ng Bureau of Customs – Port of Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), kasama ang mga operatiba mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Group, hagip sa Barangay Dita, sa Lungsod ng Sta. Rosa sa lalawigan ng Laguna ang ‘di tinukoy na suspek sa aktong pagtanggap ng anim na pirasong stuffed toys kung saan ikinubli ang nasa 5,032 tabletas ng party drugs na mas kilala sa tawag na ecstasy.
Sa imbestigasyon, lumalabas na inangkat pa mula sa bansang Pransya ang mga kontrabandong una nang natukoy ng BOC-NAIA gamit ang mga modernong X-ray scanners at trace detectors – at kinumpirmang droga ng PDEA matapos suriin sa laboratoryo ang mga nadiskubreng droga sa bagaheng idineklarang manika.
Kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang inihain sa piskalya laban sa suspek, habang patuloy naman ang isinagawang imbestigasyon sa hangaring matukoy ang iba pang kasapakat sa modus ng puslit droga sa mga pangunahing pantalan at paliparan.
Pagtitiyak ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng mga paliparan at pantalan – kesehodang tapos na ang Pasko. (BOY ANACTA)
