TUMATAGINTING na P9.6-milyong halaga ng imported na sigarilyong pinaniniwalaang ipinuslit sa bansa ng isang sindikato ang sinamsam ng pinagsanib na operatiba mula sa hanay ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Army sa Davao noong nakalipas na buwan ng Enero.
Sa ulat na isinumite ng BOC-Port of Davao sa tanggapan ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, hagip sa magkakahiwalay na checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ang mga nabanggit na kontrabando.
Ayon kay BOC-Davao District Collector Erastus Sandino Austria, malaking bentahe ang ugnayan sa pagitan ng kawanihan at mga katuwang na ahensya kabilang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at maging ang mga lokal na pamahalaan sa pangangalap ng mga impormasyon kaugnay ng kampanya ng pamahalaan laban sa malawakang operasyon ng mga sindikatong nagpupuslit ng kontrabando.
Sa nakalipas na taon, agresibo ang kampanya kontra smuggling ng nasabing distrito. Patunay nito ang pagsamsam ng humigit kumulang P245-milyong halaga ng mga kargamento kabilang ang P116-milyong halaga ng produktong petrolyo, P110-milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo, P15.6 milyong halaga ng iba’t ibang klase ng sasakyan (kasama pati piyesa), P1.3-milyong halaga ng produktong agrikultura at iba pa.
(JO CALIM)
