Nasabat ng puwersa ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) at sa tulong ng iba pang operatiba ang 1.66 kilong cocaine na may katumbas na halagang P9 milyon, mula sa bagahe ng isang Indonesian sa Terminal 3 ng nasabing paliparan kamakailan.
Nakilala ang naaresto na si Agus Burhan, 62-anyos, Indonesian, na may hawak na passport number B 0939251 at dumating sa bansa noong nakalipas na Hunyo 12 sakay ng Qatar Airways flight QR 932 mula sa Doha, Qatar.
Ayon sa report, nagsagawa ng airport interdiction ang mga operatiba ng NAIA-Inter Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) na binubuo ng BOC, PDEA, PNP, DEG, PNP ASG, NBI, BI, MIAA-APD at OTS sa pamumuno ni IA3 Gerald A. Javier at sa ilalim ng superbisyon ni PDEA RO-NCR Regional Dir. III Joel B. Plaza at command control ni PDEA Director Gen. Aaron Aquino, na nagresulta sa pagkaaresto sa naturang dayuhan.
Nabatid na nabuko ang iligal na droga sa secret compartment ng bagahe ng suspek nang isalang sa x-ray examination.
Ang pagkaaresto sa Indonesian ay bahagi pa rin ng mahigpit na pagbabantay ng BOC-NAIA sa pakikipag-ugnayan sa PDEA sa dumarating na mga pasahero sa naturang paliparan.
Ang mga nakumpiskang iligal na droga ay nasa kostodiya na ng PDEA general headquarters para sa kaukulang disposisyon, habang si Burhan naman ay sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
166