P95M SMUGGLED YOSI, WASAK SA PAMPANGA

SA hangaring siguruhing ‘di na makakarating pa sa merkado, piniling wasakin agad ng tanggapan ng Bureau of Customs (BOC) sa Subic ang mga nasa P95-mil­yong halaga ng mga nasabat na sigarilyong laman ng mga dambuhalang containers na nakatengga sa Port of Subic.

Pagtitiyak ni BOC-Subic District Collector Maritess Martin, hindi palulusutin ng kanyang tanggapan ang mga sindikato sa likod ng smuggling sa kanyang teritoryo.

Sa isang datos ng BOC-Port of Subic, kabilang sa mga winasak ng kawanihan, kasama ang mga kinatawan mula sa iba pang ahensya ng gobyerno ang tinatayang P95-milyong sigarilyong nasabat ng mga operatiba noong huling bahagi ng nakalipas na taon bilang tugon sa direktiba ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero kaugnay ng mas pinaigting na kampanya laban sa cigarette smuggling sa bansa.

Aniya, isinapubliko ang pag-­wasak ng mga nasabat na kalakal sa hangaring magpalipad ng isang mensahe sa mga negosyanteng pinaniniwalaang kasabwat ng mga sindikatong dahilan sa pagtamlay ng
tobacco industry sa bansa.

Pagtitiyak pa ni Martin, walang dahilan para tumamlay ang kampanya ng gobyerno kontra smuggling sa kabila pa ng nalalapit ng pagbaba sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo.
Sa rekord ng ahensya, lumalabas na nakapangalan ang mga kargamentong naglalaman

ng mga smuggled na sigarilyo sa kumpanyang Goldlink Int’l Subic Inc. Isinagawa ang pagwasak ng mga kontrabando sa Goldleaf 88 non-hazardous waste disposal facility sa lalawigan ng Pampanga.

Binigyang pagkilala rin ni Martin ang kontribusyon ng iba pang ahensya ng pamahalaan – kabilang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Internal Revenue (BIR), Philippine Marines, Philippine Navy, at mga local government units (LGU) na saklaw ng nasabing district collection office.
(BOY ANACTA)

125

Related posts

Leave a Comment