PINAGTIBAY ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang pangako ng bureau na maabot ang kanilang P959 billion collection target para sa calendar year 2024, at inihayag na pinaigting ang pagsisikap laban sa smuggling, sa pagbisita ni Finance Secretary Ralph G. Recto sa BOC noong Enero 24, 2024.
Binalangkas ni Commissioner Rubio ang mga estratehiya ng bureau upang madagdagan ang koleksyon ng 15 hanggang 20% ngayong 2024 sa pamamagitan ng pagiging mapagbantay at patuloy na pagpapabuti sa mga proyekto ng modernisasyon.
Aniya, susi sa mga inisyatibang ito ang Enhanced Value Reference Information System (e-VRIS), isang critical risk assessment tool para sa pag-iingat sa government revenues at pagpapadali sa kalakalan.
Ang BOC ay aktibo rin sa pag-iimplementa ng ICT-enabled clearance system para sa mga express shipment at sa proseso ng pagbalangkas ng Customs Administrative Orders (CAO) at Customs Memorandum Orders (CMO) para sa e-Commerce para maiwasan ang pagkawala ng revenue.
Sa pagtugon sa isyu ng smuggling, sinabi ni Commissioner Rubio na ang BOC ay magpapalakas ng border control sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa ibang law enforcement agencies para sa tuloy-tuloy na koordinasyon at palitan ng mga impormasyon laban sa pagpasok ng ipinagbabawal na mga kalakal, kontrabando, droga at high-value commodities na nagdudulot ng banta sa revenue collection performance ng ahensya.
Karagdagan nito, ang BOC ay ganap na ipatutupad ang National Customs Intelligence System (NCIS) upang mapahusay ang kaalaman at suporta sa case build-up at pagsasagawa ng risk profiling at analysis para mapigilan ang smuggling.
Sa pagpapabilis ng kalakalan, plano ng bureau na ipagpatuloy ang pag-streamline at pag-digitize sa customs processes.
Binigyang-diin din ni Commissioner Rubio ang kahalagahan ng Customs Customer Care Portal sa pagbabawas ng face-to-face transactions at pagtataguyod ng transparency.
Ini-highlight din ni Rubio ang matagumpay na operasyon noong 2023, na ang BOC ay nakalagpas sa kanilang revenue collection target at nakapagtala ng cash collection na P883 bilyon, nagresulta sa surplus na P9.49 bilyon.
Karagdagan nito, ang bureau ay nakakuha ng global recognition sa pagpapahusay ng mabilis na kalakalan, habang matagumpay na tumitindi ang kanilang anti-smuggling campaign na nakapagtala ng record breaking seizure na P43.295 bilyong halaga ng illegally imported and illicit goods.
Gayundin, ang BOC ay naabot ang impresibong 96.99% digitalization rate ng kanilang customs processes.
Dahil dito, pinuri ni Finance Secretary Ralph Recto ang BOC sa kanilang kahanga-hangang mga tagumpay noong 2023, nagbibigay-diin sa mga pangako ng DOF na malapit na makipagtulungan sa BOC at iba pang mga ahensya para mag-ambag ng higit pang kahusayan sa pamahalaan.
(JOEL O. AMONGO)
848