PAGWAWAKAS NG AGRI-SMUGGLING

IMBESTIGAHAN NATIN Ni JOEL O. AMONGO

HINDI sapat ang katagang kapanapanabik para ilarawan ang mga matutunghayang tagpo sa mga susunod na araw sa isang kagawarang sukdulan ang kapalpakan pagdating sa mandatong kanilang pinanumpaan.

Dangan naman kasi, hindi ordinaryong Kalihim ang uupo sa nasabing departamentong binaboy ng sabwatan ng mga sindikato sa likod ng agri-smuggling at ng mga mismong taong gobyernong nagpayaman ng husto sa kani-kanilang mga pwesto.

Sa isang pulong balitaan, inihayag ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang napipintong pamumuno sa Department of Agriculture – hindi dahil sa wala siyang napipisil sa naturang pwesto kundi dahil sa bigat ng suliranin sa nasabing departamento.

Pero gaano nga ba kabigat ang problemang iiwan ng patapos na liderato ng naturang kagawaran? Pagkatapos ng mga kapalpakan sa DA, umamin si outgoing Agriculture Secretary William Dar na nakaamba ang posibilidad ng malawakang gutom sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Ang totoo, wala sa susunod na administrasyon ang problema kundi sa iiwanang abang estado ni Dar sa departamentong kanyang pinamumunuan. Hindi niya nagawang isulong ang sektor ng agrikultura. Ni hindi niya ipinaglaban ang karapatan ng mga magsasaka at mangingisda.

Ang masaklap, kinatigan pa niya ang mga negosyanteng mapagsamantala, sukdulang isabotahe ang ekonomiya. Sino sila? Eh di yung mga agri-smugglers!

At heto pa… bago ang takdang araw ng kanyang pagbaba sa pwesto, sukat ba namang sisihin pa ang hidwaan sa pagitan ng Ukraine at Russia sa problema ng sektor ng agrikultura! Kaya naman si Marcos Jr., sasabak agad sa trabaho – sa Palasyo at DA – pagsapit ng unang araw ng Hulyo.

Sa ilalim ni Dar, nalugi ang mga magsasaka’t mangingisda, namayagpag ang mga agri-smugglers, nadiktahan ng mga importers ang presyo ng mga agri-products tulad ng bigas, mais, asukal, karneng baboy, baka, manok, isda, mantika, prutas at iba pa.
Ayon naman kay AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones, na siya ring tumatayong Pangulo ng Federation of Pork Producers

of the Philippines – Agricultural Sector Alliance of the Philippines, lugmok na ang hanay ng mga nag-aalaga ng baboy at manok.

Ayon naman sa mga magsasaka sa gawing norte, parti­kular sa lalawigan ng Benguet, subsob na sila sa pagkalugi dahil ang kanilang mga ani nang gulay at prutas hindi mabili. Eh Paano nga ba sila makakasabay sa mga smuggled na prutas at gulay na mas murang ibinebenta sa mga pamilihan.

Maging ang Pilipinong mangingisda, umaalma sa pahintulot na inilabas ng kagawaran sa pag-aangkat ng isda, dahil umano sa kapos na supply kumpara sa pangangailangan!

Hay naku… buti na lang dumating ang Tigre ng Norte!

Para sa mga sumbong, makipag-ugnayan sa operarioj45@gmail.com o magtext sa 0919-259-5907.

Related posts

Leave a Comment