PALITAN NG KAALAMAN PARA SA MAUNLAD NA KALAKALAN

BILANG tugon sa direktiba kaugnay ng polisiya sa pagpapaigting ng kalakalan, isang programa ang ipinatupad sa hanay ng mga 17 district collection offices at iba pang tanggapan ng Bureau of Customs (BOC), bagay na nakikitang dahilan sa likod ng patuloy na pagsipa ng koleksyon ng pamahalaan.

Kabilang naman sa mga district collection offices na nagbahagi ng kanilang kaalaman ang mga puertong nakapagtala ng higit pa sa kanilang mga target na kita at maging yaong matagumpay na nakasungkit ng ISO certification na patunay ng husay ng pinaiiral na sistema.

Ayon kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, hangad niyang gawing ISO certified ang lahat ng 15 district collection offices ng kawanihan, kasabay ng pina­igting na kampanya kontra katiwalian.

Hindi rin aniya wastong makilala ang BOC sa katiwalian, bagay na pinatunayang pinagsisikapang tuldukan batay sa mga datos ng kawanihan.

Sa pinakahuling tala, tatlo na ang sinibak ni Guerrero sa kawanihan, habang 12 naman ang pinatawan ng suspensyon kaugnay ng kampanya ng BOC kontra katiwalian, bukod pa sa mga itinapon sa malalayong tanggapan dahil sa tigas ng ulo at pagsuway sa kanilang reglamento.

Babala ni Guerrero, marami pa ang kanilang kakalusin sa hangaring linisin ng husto ang kanilang ahensya, kasabay ng pahayag kaugnay ng kabi-kabilang pagsasampa ng mga kasong administratibo sa mga sablay na tauhan ng kanilang kawanihan.

Aniya, isinailalim na rin sa imbestigasyon ng Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS) ang 126 opis­yal at kawani ng BOC.

Sa nasabing bilang, 31 ang sinampahan ng mga kasong administratibo, habang 57 kaso naman ang inindorso na sa National Bureau of Investigation (NBI) at isa sa Office of the
Ombudsman para sa kau­kulang aksyon.

Mula Enero hanggang Setyembre, binalasa rin ni Guerrero ang kawanihang pinamumunuan. Sapul sa reshuffle ang anim na ni-relieve sa pwesto (floating) habang 543 iba pa ang idinestino sa malalayong tanggapan ng kanilang kawanihan dahil sa kinasangkutang iregularidad sa pagganap ng kani-kanilang tungkulin sa BOC. (BOY ANACTA)

52

Related posts

Leave a Comment