PANIBAGONG SCAM ALERT, HIRIT NG BOC

MULING naglabas ng isang scam alert of Bureau of Customs (BOC) bunsod ng kabi-kabilang sumbong hinggil sa mga indibidwal na umano’y nagpapanggap na kawani o “malakas” sa ahensya, kasabay ng pangakong milyong kita sa paglabas ng mga naipit na kargamento.

Sa kalatas ng BOC, partikular na tinukoy ng ahensya ang mga negosyante at mga Pilipinong may kaanak na nagtatrabaho sa ibayong dagat bilang target ng umano’y mga notoryus na grupong nag-ooperate gamit ang social media.

Paglilinaw ng kawanihan, walang sinumang itinalaga para makipagtransaksyon gamit ang BOC, kasabay ng giit na 92% ng kanilang operasyon ay automated transactions at ‘di kailangan ng tinatawag na “human intervention.”

Karaniwan umanong modus ng sindikato sa mga negosyante ang makipagkaibigan sa social media at kalaunan ay alukin ng mala­king kita kung mag-aambag sa kinakailangang pondo para mailabas ang naipit na kargamento.

Pasok din sa diskarte sa mga kaanak ng mga overseas Filipino workers ang pagpaparating ng mensahe kaugnay ng di umano’y nakabinbing balikbayan box na padala ng kanilang kaanak, kasabay ng pag-aalok ng tulong para sa mas mabilis na pagpoproseso kapalit ang tinatawag na processing fee, bukod pa sa buwis na kalakip umano ng naturang kargamento o bagahe.

Payo ng BOC, maging mapanuri kasabay ng pana­wagang agad na dumulog sa kanilang ahensya, o sa Philippine National Police (PNP) cybercrime division para sa agarang aksyon.

166

Related posts

Leave a Comment