(Ni JOMAR OPERARIO)
Tiniyak ni Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) District Collector Mimel Talusan na hindi makalulusot sa kanila ang mga illegal goods na planong ipasok sa pamamagitan ng nasabing paliparan.
Ang paniniyak ni Talusan ay bunga ng sunud-sunod nilang pagkakasabat ng mga ilegal na kontrabando na tinangkang ipasok sa NAIA.
Nitong nakaraang Hulyo 1, 4 at 7, 2019 ang BOC-NAIA ay nakasabat ng iba’t ibang klaseng baril at rifle parts mula sa DHL warehouse sa Pasay City.
Ang mga imported na baril at iba’t ibang parte nito ay nagmula sa Hong Kong at nadiskubre sa DHL warehouse na hindi idineklara ng tama dahil sinabing general merchandise lamang ito.
Samantala ang pistol at pistol parts papuntang Taiwan ay misdeclared bilang “new water pump”.
Sa nasabi ring warehouse, natagpuan naman matapos ang isinagawang eksaminasyon sa abandonadong goods noong Hulyo 7, 2019 ang airgun rifle at 4 na pirasong airgun accessories at gun parts mula China.
Nauna rito, sa isinagawang Customs operations, nasabat ang kalahating milyong pisong baril at mga bala papuntang Taiwan sa DHL warehouse noong nakaraang Pebrero 2019.
Sa ilalim ng Sections 119, 1400 at 1113 ng RA No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at Repuclic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act) ay nakasaad na ang lahat ng may kinalaman sa import at export ng mga baril, piyesa at mga bala nito na walang kaukulang clearance mula sa gobyerno ay kinakailangang kumpiskahin pabor sa pamahalaan.
Gayundin naman ngayong Hulyo 2019, sa isang Customs operations ay nakumpiska ang baril at mga piyesa sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police-Firearms and Explosive Office (PNP-FEO).
Kaugnay nito, ang mga awtoridad ay patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon para matukoy at makasuhan ang nasa likod ng nasabing gun smuggling.
“We do not sleep at the NAIA District office, if only to ensure that illegal goods, especially guns and drugs are apprehended and are not able to get through Customs,” ayon kay Talusan.
143